K3

Just thinking aloud...

Friday, September 30, 2005

MGA KAUGALIAN TSENES...

Napagkatuwaan ko lang hehehehe....galing sa
http://www.hagonoy.com/hagopani.html kailangan sa isang
klase ko. Gusto ko lang ibahagi....wala lang


MGA KINAGISNANG KAUGALIAN SA BAYAN NG HAGONOY

Bilang isa sa pinakamatandang pamayanan sa ating bansa, ang Hagonoy ay mayaman sa mga kultura at kaugalian na minana pa natin sa ating mga ninuno na nagmula sa iba-ibang lahi at lipi. Sa pagbabago ng panahon ay may makikita tayong hindi na angkop sa ating kasalukuyang pamumuhay nguni't marami pa ditong dapat nating bigyang halaga sapagka't nagbibigay diin ito sa mga pagpapahalagang moral at ispiritual bilang isang mamamayan.

PAG-AASAWA
1. Pagpanhik ng Ligaw - Itinuturing na tapat ang hangarin ng binatang nanliligaw sa isang dalaga kung siya ay sa tahanan nito dadalaw upang makilala ng mga magulang.
2. Pamanhikan - Pagpanhik ng mga magulang ng lalaking handa nang magpakasal sa kanyang kasintahan sa tahanan nito upang magkaroon ng mabuting pagkikilala at tuloy pag-usapan ang kasal na gaganapin. Karaniwan nilang isinasama ang mga matatanda sa pamilya at ilang kamag-anak o kamag-anakan na may sinasabi.
3. Kasalan - Ang namanhikang Kinalalakihan ang siyang sumasagot sa lahat ng gagastusin sa pagpapakasal maliban kung ito ay tatambalan o "tatakluban" (magluluto rin ang kababaihan ng mga pagkaing ihahanda na sila ang gagasta) ng mga magulang ng babae.
4. Palipat - bahay - Pagkatapos ng handaan sa bahay ng babae ay iuuwi na ng lalaki sa kanilang magiging tirahan ang babae o kung wala pa silang sariling tahanan ay sa bahay ng lalaki. Kasama ang mga abay, pamilya ng babae at pamilya ng lalaki dito. Ito ay tinatawag na "Disposorio" sa ibang lugar. Ang kainan at katuwaan ay karaniwang ipinagpapatuloy dito.
5. Panluluhod - Ilang araw matapos ang kasal ay pumupunta ang bagong kasal o bagong mag-asawa sa kanilang mga ninong at ninang at iba pang kamag-anakan upang magmano o manluhod. Tumatanggap sila rito ng ala-alang salapi bukod pa sa tinanggap na nilang regalo upang makatulong sa kanilang pagsisimula sa buhay may-asawa.
6. Huwag isusukat ang damit pangkasal sapagka't hindi matutuloy ang kasal.
7. Huwag magsusukob ng taon ang magkapatid sa pag-aasawa sapagka't sila'y magdaraigan sa kabuhayan.
8. Kapag initsa ng bagong kasal ang hawak na bulaklak at ikaw ang nakasalo, ikaw ang susunod na mag-aasawa.
9. Huwag magpapakasal nang patay ang buwan o paliit ito upang maging maayos ang pamumuhay.
10. Ang mga magkakasintahan ay huwag magbibigayan ng kuwintas o rosaryo sapagka't kapag ito'y nalagot ay hindi sila magkakatuluyan.
11. Kung sa kasal daw ay may bahaging nagsisindi ng kandila, kung alin daw ang naunang lumiit o namatay sa mga kandilang nasa tig-isang gilid ng ikinasal ay siya ring mauunang mamatay.
12. Huwag mag-uunahan sa paglakad pagkakasal upang sila ay magsunuran sa buhay.
13. Kapag belo ng ikakasal ay naitalukbong sa lalaki, ito ay maaander de saya.
14. Kapag nagsindi raw ang isa ng kandila, huwag idirikit ang mitsa sa isang may sindi na upang hindi laging nag-aaway.
15. Huwag mong pagliligpitan ng kinanan ang iba pang kumakain sapagka't ito'y mababalo kung may asawa at tatandang binata o dalaga kung wala pang asawa.
16. Ang dalaga kung nagluluto ay huwag kakanta sa harap ng kalan nang hindi magka-asawa ng biyudo.

PAGBIBINYAG
1. Kaugalian ng mga matatanda sa Hagonoy na ang mga ninuno ng batang bibinyagan ang dapat magsadya at magsabi sa nais na maging ninong at ninang. Sa pag-uusap nila ay nagdadala ang magpapa-anak ng hitso, sigarilyo o inumin.
2. Pagpapa-anak ng unang anak na babae sa naging nobya o niligawan ng ama ng bata upang di nito mapag-isipan ng masama ang bata at ng muli niyang maging kaibigan ang mga magulang nito.
3. Pagpapakimkim - Bukod sa regalong bigay ng ninong at ninang ay mag-iipit pa rin ito ng naka sobreng pera o tinatawag na "pakimkim" sa damit ng bata matapos itong binyagan.
4. Pagdadala ng Batang Bibinyagan - Sa pagtungo sa simbahan upang binyagan, kaugalian ng matatanda na pinahahawakan o pinakakarga ang sanggol sa isang dalagang may magandang katangian upang siyang pamarisan ng bata paglaki niya. Karaniwang ito'y kasama o abay ng ninong at ninang.
5. Ang isang napipiling ninong o ninang sa binyag ay hindi dapat tumatanggi kahit ano man and dahilan, maliban na lamang kung siya ay buntis o nagdadalangtao. Sa ganitong pagkakataon ay sa kanya rin ito nakapangalan bilang ninang nguni't iba ang naghahawak sa bata habang binibinyagan (by proxy).
6. Kung sakali namang sawim-palad na mamatay ang bata ay kaugalian ding ang ninang o ninong ang nag-papaataol sa bata.

KAUGALIAN KUNG MAY PATAY AT PANINIWALA TUNGKOL SA KAMATAYAN
1. Ambagan - Kusang loob na inaabuluyan ng mga kamag-anak, kaibigan, at mga kanayon ang namatayan. Karaniwang ang lahat ng nagagastos sa pagpapalibing ay nanggagaling lamang sa ambagan.
2. Lamayan - Maraming kamag-anak, kaibigan at kanayon ang nakikipaglamay dito hanggang hindi naililibing ang namatay. Tumutulong din sila sa pagluluto at pagpapakain sa mga nakikiramay upang di na maabalang umalis ang pamilya ng namatay sa tabi nito.
3. Bahagi ng pagdamay sa namatayan ang pakikipaglibing o paghahatid sa huling hantungan ng yumao.
4. Maraming araw ang inuukol sa pag-aalaala sa gunita ng namatay o yumao, bukod pa sa "Araw ng mga Patay", "Pa-apatnapung Gabi" at "Pa-ibis Luksa" pagkaraan ng isang taon. Nagpaparasal o nagpapamisa para sa katahimikan ng kaluluwa ng yumao ang namatayan at ito ay dinadaluhan ng mga taong nakiramay noong siya'y namatay. Karaniwang ang parasal ay may pamiryendang puto't sopas, kalamay at tsaa, at iba pa.
5. Ang mga gayak-ilaw, halaman, alpombra ng burol ay dapat maunang ipanaog kaysa patay na ililibing.
6. Hindi dapat maglinis ng bahay habang may nakaburol na patay. Ang paglilinis ay ginagawa pagkababa o pagkaalis ng libing.
7. Isang kaugaliang palasak na, na ayaw ng namatayang magpalibing kung araw ng Lunes.
8. Huwag maliligo kung may patay sa inyong tahanan upang hindi magkasakit nang mabigat.
9. Hindi dapat maglinis ng bahay kung may patay upang walang sumunod na mamatay.
10. Kapag nanaginip ka na ikaw ay nabungian ng ngipin ay mayroong masamang mangyayari sa miyembro ng pamilya.
11. Kung may idinaraang patay sa harap ng inyong bahay kailangang gisingin ang natutulog sa inyo upang hindi sumunod na mamatay.
12. Huwag pupunta sa bahay na may patay kung may sugat upang ito ay hindi umantak.
13. Kapag may paru-parong umiikot sa inyo ay may mamamatay sa inyo o kaya'y dinadalaw ka ng isang patay mong kamag-anak.
14. Masamang mauntog ang alin mang bahagi ng ataol kung ipinapanaog na ng bahay sapagka't maghihirap ang iiwang kasambahay sa kanilang kabuhayan.
15. Damitan ng pula ang mga bata kung may namatay upang ang mga ito'y huwag lapitan ng namatay.
16. Hindi dapat magpakuha ng tatalo sapagka't unang mamamatay ang nasa gitna.

MAHAL NA ARAW - Ang mga kaugaliang nakikita natin tuwing sasapit ang Mahal na Araw ay:
1. Hindi pagkain ng karne tuwing Biyernes.

2. Pag-iwas sa paglalakbay tuwing Biyernes Santo.
3. Hindi paggawa ng mabigat tuwing Biyernes Santo.


PAGIGING MAGALANG
1. Paggamit ng magagalang na pananalita tulad ng po, opo, ho, oho, sa pakikipagusap sa matatanda o nakatatanda.
2. Paggamit ng magagalang na katawagan sa nakatatanda - Apo sa matanda na; Nana/Tata/Ka sa hindi naman gaanong nakatatanda.
3. Sa magkakamag-anak karaniwang sinusunod ang tinatawag na "matanda sa dugo" ng pagkakamag-anak. Kaya maaari mong tawaging Nanang/Tatang ang bunsong kapatid ng iyong ina/ama kahit siya ay mas bata pa sa iyo. Gayun din sa pagtawag ng Ate/Kuya ang pinsan mong higit ang kabataan sa iyo.
4. Pagmamano o paghalik sa Kamay - Kaugaliang magmano o humalik sa kamay ng matatanda pagsapit ng orasyon. Pagmamano sa mga magulang sa pag-alis at pagdating ng bahay ng mga anak.


SA PAG-AANAK
1. Ibinibigay sa isang naglilihi ang kaniyang nagugustuhan o napaglilihihang pagkain o bagay upang hindi maka-epekto sa batang isisilang.
2. Hindi nagpapagawa ng bahay ang mag-asawa kung ang babae ay nagdadalang-tao.
3. Ang asawang lalaki ng isang naglilihi ay hindi dapat magpalupot ng tuwalya sa leeg niya upang huwag maging pulupot sa leeg ng sanggol ang kanyang pusod.
4. Hindi dapat ilagay ang sarili o lumagay sa mga pintuan ng bahay kung mayroon ditong kasalukuyang nanganganak upang madaling lumabas ang bata.
5. Dapat lagyan ng ilaw ang silong ng bahay ng nanganganak upang di-makapasok ang asuwang o masamang espiritu.
6. Ang inunan ng batang bagong panganak ay dapt ibaon o ilibing sa silong ng bahay upang ang bata ay hindi maging layas sa paglaki.
7. Ang bata ay nilalagyan o pinapahiran ng lipstick sa noo upang di mausog.
8. Huwag maglililip ng damit na nakasuot sa katawan upang hindi maghirap sa panganganak.
9. Huwag ilalagay ang inunan sa malaking sisidlan upang ang bata ay hindi maging matakaw.
10. Kung nanganak ng buwan ng Pebrero, ang anak ay karaniwang kulang-kulang. 11. Dapat na gupitan ng buhok ang isang bata sa gulang na isang taon upang hindi mawalan ng dunong.
12. Huwag kakain ng kambal na saging upang hindi magka-anak ng kambal.


PAGHAHANAPBUHAY O PAGTATRABAHO AT PANGKABUHAYAN
1. Pagsisimula ng gawain ng maaga lalo na kung araw ng Lunes nang maaga pa itong matapos.
2. Ang mga tindera ay ayaw magpautang kung araw ng Lunes o kung maaga na wala pang unang benta o "buena mano". Namimili rin sila ng mga taong hindi barat upang siyang mag "buena mano" sa kanilang tinda upang maubos kaagad ang kanilang paninda.
3. Kung may kumakain sa inyong tindahan at nalaglag ang kutsara o tinidor, ikaw ang magiging mabuti.
4. Huwag mangangalumbaba sa tindahan dahil hindi ka na mabibilhan.
5. Huwag magtatahip ng bigas kung gabi at lalayo ang grasya.


KAUGALIAN SA PAGPAPATAYO NG BAHAY
1. Unang ipinapanhik ng maybahay sa kanyang bagong tirahan ang bigas.
2. Pinupuno ng mga maybahay ang kanilang palabigasan at lahat ng lalagyan ng ibang gamit sa pagkain tulad ng asukal, gatas, asin, suka, tubig, kahoy, at iba pa. Gayun din nilalagyan nila ng barya ang kanilang bulsa bago maghiwalay ang taon.
3. Sa pagpapatayo ng bahay, dapat daw nasisikatan ng araw ang hagdan.
4. Hangga't maari sa gawing silangan nakaharap ang ipatatayong bahay.
5. Huwag magwawalis ng tingting sa gabi upang hindi magdahop sa kabuhayan.


PANINIWALA AT PAMAHIIN TUNGKOL SA PAGKAIN O HAPAG KAINAN
1. Kapag sa iyong pagkain o kung kumakain ay may nalaglag na kutsara, may panauhing babae na darating at kapag tinidor ay panauhing lalaki.
2. Huwag tatayo o aalis sa hapag-kainan samantalang mayroon pang kumakain.
3. Huwag tatapakan ang mga mumo ng kanin sa sahig upang hindi maghirap.
4. Kung kayo ay kumakain at ang ibang kasalo o kasamahan ay magbibiyahe, kailangang paikutin ninyo ang inyong pinggan upang malayo sa kapahamakan ang aalis.
5. Huwag kang pabagu-bago ng upuan sa pagkain upang hindi ka maging mababaluhin o upang hindi maging pabagu-bago ang isip.
6. Huwag mong huhugasan ang anumang pinaglagyan ng pagkain na ibinigay sa iyo sapagka't ang nagbigay ay magiging maramot.
7. Huwag matutulog nang busog na busog upang hindi bangungutin.


PANINIWALA TUNGKOL SA NUNAL
1. Ang may nunal sa tuluan ng luha ay mababaluhin.
2. Amg may nunal sa mata ay malapit sa lalaki.
3. Ang may nunal sa pagitan ng kilay ay masuwerte sa negosyo.
4. Ang may nunal sa dibdib ay palaibigan.
5. Ang may nunal sa likod ay tamad.
6. Ang may nunal sa talampakan ay mahilig sa lakad.


PANINIWALA SA PALILIGO
1. Huwag maliligo ng Biyernes Santo.
2. Huwag maliligo ang mga babae kung may panahon o sakit sa tiyan.


PANINIWALA TUNGKOL SA PAGWAWALIS
1. Masamang magwalis kung gabi dahil mapupuwing ang Mahal na Birhen.



PANINIWALA TUNGKOL SA PAG-ALIS NG KUKO, PAGBAGSAK NG SALAMIN AT PAGLULUTO KUNG MAY KAARAWAN
1. Huwag mag-aalis ng kuko kung Biyernes sapagka't ito'y mananainga.
2. Kapag naibagsak mo ang salamin ay may masamang bagay na mangyayari.
3. Kung kaarawan ng isang tao ay dapat na may kasamang pansit na hindi pinuputol upang humaba ang buhay.





0 Comments:

Post a Comment

<< Home